Nang mapatalsik ng Pag-aalsang EDSA ang diktadura ni Ferdinand Marcos, muling binuhay ng administrasyon ni Corazon Aquino ang mga institusyon ng demokrasya. Binuo ang Saligang Batas ng 1987 upang hindi na muling mapasailalim ang bansa sa isang pang diktadura. “Never Again” ang katagang inukit sa panahon bilang pananda sa tapang at determinasyon ng henerasyon ng mga Filipino na bumalikwas laban sa isang diktador.
Ngunit ang paglaya ay kalahati lamang ng walang katapusang pagkilos para sa demokrasya. Sa ‘di man ginusto o inasahang bunga, ang mga mismong institusyon na ito ay siya ring tinutuligsang nagkukulang o sira. Kaya sa seryeng ito ng mga pampublikong talakayan, nakatuon ang usapan sa batas at sa monopolyo ng dahas ng estado, ang mga pangunahing institusyon na agad na kokontrolin ng isang diktador, at kapag nakontrol na, ang pinakamahirap ding kalabanin ng taumbayan.
Matotokhang ba ang 1987 Constitution?
Ang public forum na pinamagatang, “Matotokhang ba ang 1987 Constitution?” ay una sa Sa Bungad ng Diktadura? 2018 Third World Studies Center Public Forum Series. Ginanap ang forum na ito noong ika-23 ng Pebrero 2018 sa Benitez Theater, College of Education, UP Diliman. Tampok na mga tagapagsalita ang mga miyembro ng 1986 Constitutional Commission na sina Ponciano Bennagen, Florangel Rosario Braid, Edmundo G. Garcia, at Wilfrido Villacorta. Si Propesor Randy David naman ang naging tagapagpadaloy ng programa.
Puro Bato na ba ang mga Unipormado?
Ang public forum na pinamagatang, “Puro Bato na Ba ang mga Unipormado? Ang mga Militar at Pulis sa Bingit ng Pagbabagong Konstitusyonal” ay pangalawa sa Sa Bungad ng Diktadura? The 2018 Third World Studies Center Public Forum Series. Ginanap ang forum na ito noong ika-10 ng Abril 2018 sa Benitez Theater, College of Education, UP Diliman. Tampok na mga tagapagsalita sina dating senador Rodolfo Biazon, Kong. Gary Alejano, at dating Kong. Francisco Acedillo. Si Propesor Maria Serena I. Diokno ng Departamento ng Kasaysayan, UP Diliman ang moderator.
Kanino Kinikilig ang Korte Suprema?
Ang public forum na pinamagatang, “Kanino Kinikilig ang Korte Suprema?” ay pangatlo sa Sa Bungad ng Diktadura? The 2018 Third World Studies Center Public Forum Series. Ginanap ang forum na ito noong ika-10 ng Mayo 2018 sa National Engineering Center AVR, Juinio Hall, UP Diliman. Tampok na mga tagapagsalita sina Vicente Mendoza, dating Associate Justice at Assistant Solicitor General at Prop. Victoria Avena ng UP College of Law. Binasa ni Dr. Ricardo T. Jose, Direktor ng TWSC, ang mensahe ng dating Senador Rene Saguisag na hindi nakadalo sa forum.